Hinog na ang oras para amyendahan ang 1987 Constitution ayon kay Marikina Representative Stella Quimbo.
Sa isang pulong balitaan, sinabi nito na malinaw na ang ating kasalukuyang economic charter ay hindi na sasapat para tugunan ang demand ng 21st century.
Punto pa ng mambabatas, na tatlong dekada nang pinagdedebatihan at itinutulak ng Kongreso ang charter change at lumagpas na ang mga oportunidad.
Kaya hindi na lang aniya panahon para ito ay pag-usapan bagkus at aksyunan na.
Tinukoy ni Quimbo, na sa kabila ng naitalang 5.6% GDP noong last quarter ng 2023 at pagbaba ng inflation rate sa 2.3% nitong Enero 2024 ay hindi naman makahabol ang ating gross foreign direct investment o FDI, kumpara sa mga karatig bansa sa ASEAN.
Sa nakalipas na dekada, nasa US$83.5 billion lamang ang gross FDI ng Pilipinas kumpara sa US$220 billion ng Vietnam, at US$137 billion ng Indonesia.
Aminado naman si Quimbo, na hindi lang ang economic charter change ang sagot sa mga problemang pang ekonomiya ng bansa ngunit isa ito sa mga mahahalagang reporma na kailangan ipatupad upang makamit ng Pilipinas ang full economic potential nito. | ulat ni Kathleen Forbes