Nagpasalamat si Senador Chiz Escudero sa mabilis na pagkakapirma ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng apat na mga batas na layong mapalakas ang education sector ng Pilipinas.
“I thank President Marcos for his expeditious action on our bills. Malaking bagay ang mga bagong batas na naipasa upang patuloy natin na mapalakas ang sistema ng edukasyon sa bansa,”.
Kabilang sa mga batas na tinutukoy ng Senate Committee on Higher Education Chairperson ang mga batas na sumasaklaw sa apat na educational institutions kabilang ang Pampanga State Agricultural University (PSAU), Don Mariano Marcos Memorial State University (DMMMSU), Polytechnic University of the Philippines (PUP), at ang Bulacan State University (BulSu).
Sa ilalim ng Republic Act 11978, papahintulutan na ang Don Mariano Marcos Memorial State University na magtatag ng isang College of Medicine sa kanilang campus sa Agoo, La Union.
Nakatakda itong mag-alok ng Doctor of Medicine program kabilang ang isang Integrated Liberal Arts and Medicine program.
Sa ilalim naman ng RA 11977, ang Pampanga State Agricultural University campus sa Floridablanca ay imamandatong mag-alok ng shrot-term, technical-vocational, undergraduate at graduate courses habang ang RA 11979 ay magco-convert sa PUP campus sa Parañaque na maging isang regular campus.
Habang ang RA 11980 naman ay layong rebisahin ang university charter ng Bulacan State University para mapalawak ang mga inaalok nitong curriculum at ang komposiyon at kapangyarihan ng governing board nito. | ulat ni Nimfa Asuncion