Ramdam ng ilang mamimili sa Pasig City ang pagbagal ng inflation rate o ang pagtaas at pagbaba ng presyo ng mga pangunahing bilihin gayundin ng serbisyo.
Ito, ayon sa ilang nakausap ng Radyo Pilipinas, ay dahil sa malaki ang ibinaba sa presyo ng mga gulay partikular na ang sibuyas at iba pa gayundin ng itlog.
Nagtutugma anila ito sa naging pagtaya ng Philippine Statistics Authority (PSA) na 2.8 percent inflation rate ng bansa nitong Enero kumpara sa mahigit tatlong porsyento noong Disyembre ng nakalipas na taon.
Sa kabilang banda, nananatili pa ring mataas ang presyuhan ng bigas na naglalaro sa ₱40 kada kilo para sa regular milled rice habang ₱52 naman ang sa well-milled rice.
Nabatid din sa ulat ng PSA na bagaman mababa ang inflation rate ng bansa, naitala naman ang 22.6 percent sa rice inflation na pinakamataas sa nakalipas na 14 na taon.
Gayunman, inihayag ng Department of Agriculture na inaasahang bababa ang presyo ng bigas sa susunod na dalawang buwan dahil sa pagsisimula ng anihan. | ulat ni Jaymark Dagala