Welcome para kay 1-Rider Party-list Representative Rodge Gutierrez ang pagbibigay prayoridad ng administrasyong Marcos sa Motorcycle Taxi Bill.
Kasunod ito ng atas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na aralin ang mungkahi na gawing legal ang motorcycle taxi, na kasalukuyang ginagamit ng mas maraming commuter sa bansa.
Sinundan naman ito ng direktiba ni Speaker Martin Romualdez sa Kamara, na tutukan ang pagtalakay sa House Bill 3412 na inihain ni Gutierrez at kapwa party-list representative na si Bonifacio Bosita.
Ayon kay Gutierrez, malaking bagay na mismong ang Pangulo at House Speaker na ang nagbigay ng kumpas na gawin itong prayoridad.
Aminado ang mambabatas na dalawang Kongreso nang tinatalakay ang panukala ngunit nananatili pa ring nakasalang sa technical working group.
Nakaapekto rin ang pagpapalawig ng Department of Transportation (DOTr) ng kanilang pilot study sa programa na dapat ay natapos na bago pa tumama ang COVID-19 pandemic.
Umaasa naman si Gutierrez, na kung magtutuloy-tuloy ang takbo ng kanilang pagtalakay sa panukala ay posibleng matapos at mapagtibay nila ito bago ang State of the Nation Address ng Pangulo sa Hulyo.
Positibo rin ang mambabatas na kahit ang DOTR-TWG ay makapaglalabas na rin ng resulta ng kanilang pilot study.
“But with this prioritization na mismong sinabi ng Presidente, sinabi ng Speaker, we are hopeful… different bills have moved at different paces but hopefully in the next few months yung sa House version would be done…if granted tuloy yung priority nito, hopefully before SONA at the very least I would say.” dagdag ng 1-Rider party-list solon. | ulat ni Kathleen Forbes