Mainit na sinalubong ng mga deboto ang pagdalaw ng Pilgrim Image ng Jesus of the Black Nazarene ng Quiapo sa Sts. Peter and Paul Parish sa bayan ng Calasiao, Pangasinan.
Bago ito dinala sa loob ng nasabing simbahan ay nagkaroon muna ng mobile procession ang inahen mula sa St. Joseph the Nazareth Parish sa barangay Bued.
Naging maayos at payapa naman ang idinaos na prusisyon na sinundan ng isang Banal na Misa.
Nabigyan rin ng pagkakataon ang mga deboto ng Nazareno sa lalawigan na makalapit sa imahen sa pamamagitan ng Veneration of the Image o mas kilala sa tawag na Pahalik.
Ito ay sinimulan matapos ang Misa na nagtapos ganap na alas-12 ng hatinggabi.
Tatlong araw mananatili sa simbahan ang Pilgrim Image ng Black Nazarene hanggang bukas, Pebrero 10.
Nagpasalamat naman ang pamunuan ng Simbahan, at Lokal na Pamahalaan ng Calasiao dahil naging maayos at payapa ang isinagawang selebrasyon.
Mananatili naman ang mahigpit na pagbibigay seguridad ng kapulisan sa loob at labas ng simbahan sa buong panahon ng pananatili doon ng Imahen.
Kaugnay nito, asahan narin ng mga motorista ang random checkpoints na isasagawa ng kapulisan lalo na sa mga strategic area sa bayan. | ulat ni Sarah Cayabyab | RP Dagupan