Umapela si Senadora Imee Marcos na itigil na muna ang mga lotto draw habang may mga isyu pa sa pagbola ng mga numero.
Una na kasing napaulat na nagloko ang lotto machine sa 2PM draw ng swertres lotto noong Martes, February 27.
Aminado si Senadora Imee na maging siya ay nagulat nang makita ang kinukwestiyong lotto draw.
Sinabi rin ng mambabatas na dapat maging transparent ang PCSO sa pagbola pati na sa pag-anunsyo ng mga panalo.
“Hanggat ‘di naso-solve lahat ‘yan, tigilan muna. Yung sinasabi nila na kailangan ibalik muna from start, ulitin. If that’s possible, I think that’s the only way to resolve it. Mahirap nawawala tiwala ng tao.” — Sen. Imee Marcos.
Sinabi naman ni Senador Raffy Tulfo na magsasagawa sila ng imbestigasyon tungkol sa napaulat na glitch.
Giit ni Tulfo, kailangang malaman ng publiko kung glitch ba talaga ito o isa na namang kahina-hinalang aksyon ng PCSO.
Pinahayag ng senador na bad timing ito para sa PCSO dahil hindi pa tapos ang resulta ng imbestigasyon sa E-Lotto system ay nangyari na naman ito. | ulat ni Nimfa Asuncion