Isinusulong ng Department of Transportation (DOTr) ang paggamit ng biometrics sa mga paliparan upang mapabilis ang proseso at galaw ng mga pasahero.
Ito ang inihayag ni Transportation Secretary for Aviation and Airports Sector Roberto Lim sa isinagawang Biometric Airport Passenger Processing Forum sa Davao City.
Ayon kay Lim, gagamitin ang biometrics simula sa entry hanggang boarding ng mga pasahero. Sa pamamagitan aniya ng biometric facial scan, pag-scan ng boarding pass at passport ay mapadadali ang pagpasok, check-in, at boarding ng mga pasahero.
Sa naganap na forum, ibinahagi rin ng mga resource person mula sa mga bansang kilalang gumagamit ng biometrics sa mga paliparan ang mga benepisyo ng naturang teknolohiya.
Kabilang sa mga dumalo sa forum ang mga kinatawan ng pamahalaan mula sa Manila International Airport Authority, Clark International Airport Corporation, Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at iba pa.
Plano naman ng CAAP at Davao International Airport Authority na ipatupad ang pilot operation ng passenger biometrics processing upang mas maging komportable, accessible, at ligtas ang pagproseso sa mga pasahero sa paliparan. | ulat ni Diane Lear