Nais ni Cotabato 3rd District Representative Alana Samantha Taliño-Santos na mapalitan na ang pamamaraan ng pagresolba sa kung sino amg kandidatong nanalo kapag may tabla o tie sa halalan.
Sa kaniyang House Bill 9796, aamyendahan ang Section 240 ng Batas Pambansa Bilang 881, o Omnibus Election Code of 1985.
Sa ngayon kasi kapag may tabla, ay nireresolba ito sa pamamagitan ng toss coin.
Kung maging ganap na batas, kapag mayroong dalawa o higit pang kandidato na makakakuha ng parehong pinakamataas na bilang ng boto, ang pinal na resulta ay ita-transmit sa Sanggunian na magdaraos ng “special session.”
Ang majority vote ng Sanggunian ang magdedetermina ng nanalong kandidato.
Sakali namang ang posisyon ay District Representative o District Sanggunian Member — ang mga miyembro ng Sanggunian ng naturang distrito ang boboto.
At kung ito ay sa pagka-senador ang nahalal na 23 senador ang magbobotohan kung sino ang huling senador na kukumpleto sa kanilang roster.
Ani Santos, layon ng kanyang panukala na matuldukan na ang kawalan ng “fairness” dahil sa dala ng toss coin, na sumisira aniya sa demokratikong proseso at prinsipyo ng “majority rule.” | ulat ni Kathleen Jean Forbes