Malugod na tinatanggap ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang pahayag ni Comelec Chairperson George Garcia, na bukas ang poll body na isagawa ang plebesito para sa economic chacha kasabay ng 2025 midterm elections.
Katunayan, sinabi pa ni Garcia na aabot sa P13 billion ang matitipid kung isasabay ang plebesito sa susunod na eleksyon.
Sang-ayon si Zubiri sa posisyon na ito ng poll body, dahil sa limitadong resources at iba’t ibang prayoridad ng bansa ay dapat talagang gamitin ng tama ang bawat pisong mula sa pondo ng bayan.
Ayon kay Zubiri, malaking halaga ito na maaari pang magamit para sa pangangailangan at kapakanan ng ating mga kababayan.
Gaya ng para sa mga kritikal na infrastructure project, social programs o mga programa para sa sektor ng agrikultura at sektor ng edukasyon.
Muling iginiit ng Senate President, na ang pahayag na ito ng Comelec ay alinsunod sa kahilingan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. | ulat ni Nimfa Asuncion