Binisita ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., ang tropa ng 10th Infantry Division at Eastern Mindanao Command sa Davao De Oro, Davao City kahapon.
Sa kanyang mensahe, hinimok ni Brawner ang militar na manatiling magkaisa at mapagmatyag.
Partikular sa mga kaaway na nagsisikap makalusot sa iba’t ibang sektor ng lipunan at hamunin ang armed forces at ang pagkakaisa ng bansa.
Kampante ang heneral sa katapatan at propesyonalismo ng bawat miyembro ng AFP sa gitna ng mga bagong kaganapan sa pulitika kamakailan.
Nagtungo sa lalawigan si Brawner upang suriin ang katayuan ng ginagawang humanitarian assistance and disaster response operations ng militar at mga kampanyang pangkapayapaan at seguridad sa lugar.
Pinuri nito ang pagtulong ng militar sa komunidad na naapektuhan ng malawakang mga pagbaha sa bahagi ng Southeastern Mindanao. | ulat ni Rey Ferrer