Nagpaabot ng pasasalamat ang ilang mambabatas kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa paglagda nito sa panukalang magpapalawig sa cash incentives ng mga senior citizen.
Ayon kay Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo Ordanes, malaking bagay sa mabilis na pag-apruba at pagsasabatas ng panukala ang pagbibigay prayoridad dito ni Speaker Martin Romualdez.
Gayunman ipinunto ng mambabatas, na dahil epektibo na ang 2024 National Budget at hindi ito kasama sa mga programa na napondohan ay kailangang hanapan ng Department of Budget and Management (DBM) ng paraan kung paano ito maipatutupad.
Salig sa amyenda ng Centenarians Act, ang mga senior na aabot sa edad na 80, 85, 90 at 95 ay makakatanggap ng P10,000 cash incentive.
Patuloy din na pagkakalooban ng P100,000 ang mga aabot naman sa edad na 100 years old.
Mungkahi ni Ordanes, kunin ang pampondo sa savings ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) o kaya naman sa unprogrammed funds.
Pinatitiyak naman ni Appropriations Committee Chair Elizaldy Co sa DBM, na maging mabilis sa paghahanap ng pondo para sa mabilis na roll-out ng programa.
Pinasasama rin ni Co sa DBM na hanapan ng pondo ang Elderly Data Management System para sa pagbuo ng database tagging ng mga Pilipino na edad 59 pataas. | ulat ni Kathleen Forbes