Itinutulak ni Cagayan de Oro City Representative Lordan Suan na magkaroon ng heartbreak leave at emotional support ang mga empleyadong bigo sa pag-ibig.
Ipinunto ng mambabatas sa kaniyang House Bill 9931 o Heartbreak Recovery and Resilience Act, na may mga pag-aaral na nagsasabi na nakakaapekto ang break up o paghihiwalay sa emotional at mental well-being ng empleyado na maaaring makaapekto sa kalidad ng kaniyang trabaho.
“Studies reveal the substantial toll breakups take on individuals, affecting their emotional and mental well-being, leading to decreased productivity, absenteeism, and legitimacy of emotional distress stemming from personal life and offers crucial support during this challenging time,” sabi ni Suan.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng isang araw na unpaid heartbreak leave kada taon ang mga empleyado na wala pang 25 years old.
Dalawang araw naman para sa mga edad 25 hanggang 35, at tatlong araw kung edad 36 pataas.
Kailangan naman na sumulat ang empleyado sa kanyang employer kaugnay ng pinagdaraang breakup para maka avail ng leave at magpaaalam sa employer dalawang araw bago gamitin ito.
Ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Civil Service Commission (CSC), sa tulong ng mga mental health professional ay mamamahagi ng mga materyales na makatutulong upang agad na humupa ang nararamdamang sakit dahil sa paghihiwalay.
Maliban pa sa paglikha ng confidential emotional support programs sa mga pinapasukang trabaho. | ulat ni Kathleen Forbes