Naninindigan ang Kamara na dumaan sa tamang proseso ang pagkakasama ng Ayuda Para sa Kapos ang Kita (AKAP) Program sa 2024 National Budget.
Ito ay sa gitna ng pagkuwestiyon sa naturang programa.
Isa sa ibinabatong paratang ay isiningit ito ng Kamara noong sumalang sa Bicameral Conference Committee ang 2024 budget.
Tinapyasan din umano ang pensyon ng mga retiradong uniformed personnel para ipang pondo dito.
Para kay 1-Rider party-list Rep. Rodge Gutierrez, patunay na dumaan ito sa tamang proseso, ay ang mga lagda ng mga mambabatas at senador sa bicam report.
Sabi pa ng mambabatas, dumadaan sa balancing act ang paglalaan ng pondo sa mga programa.
Ipinagtataka naman ni PBA Party-list Rep. Migs Nograles ang timing sa pagkuwestiyon sa AKAP.
Aniya, Disyembre nilagdaan ang GAA at halos patapos na ang Pebrero.
Kung talagang may iregularidad sa programa, dapat ay sa bicam pa lang ay natalakay na ito.
Inihalimbawa naman ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang AKAP sa Libreng Sakay Program. Ang libreng sakay aniya ay wala sa orihinal na budget proposal, ngunit bilang isang social impact program ay isinama at pinondohan.
Kaya nagtataka aniya siya ngayon kung bakit minamasama na ang AKAP.
Puna pa ng mambabatas na nagkaroon lang ng isyu sa programa dahil sa pag-uugnay dito sa people’s initiative. | ulat ni Kathleen Forbes