Suportado ni Senate Basic Education Chairperson Senador Sherwin Gatchalian ang pagbabagong ginawa ng Department of Education (DepEd) sa closing ng kasalukuyang academic year sa May 31, 2024 mula sa orihinal na June 14,2024.
Ayon kay Gatchalian, isa itong mahalagang hakbang tungo sa pagbabalik sa dating school calendar na nagbubukas ng Hunyo at nagtatapos ng March o April.
Pinunto ng senador, ang resulta ng isang Pulse Asia survey na isinagawa noong June 2023 na nagsasabing 80% ng 1,200 respondents ang sumang-ayon na ibalik ang summer break ng mga estudyante sa April at May.
Una na rin aniyang pinunto ng PAGASA, na ang kasalukuyang school calendar ay may kakaunting araw na nakakaranas ng malalakas na pag-ulan at kanselasyon ng klase dahil sa bagyo.
Gayunpaman, maraming school days naman ngayon ang may sobrang init na temperatura.
Dahil dito, sinabi ni Gatchalian na ang pagbabalik ng dating school calendar ay magtataguyod ng kaligtasan at kapakanan ng mga estudyante at mga guro.
Nagpasalamat ang mambabatas sa pagtugon ng DepEd sa panawagan ng mga guro, mag-aaral at iba pang stakeholders sa hakbang na ito. | ulat ni Nimfa Asuncion