Hinikayat ni Senate Committee on Basic Education Chairperson Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na paigtingin ang Comprehensive Sex Education para matugunan ang teenage pregnancy at pagtaas ng bilang ng mga batang ina na tumitigil sa pag-aaral.
Sa naging pagdinig ng Senado kaugnay ng resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA) 2022, ipinahayag ni Gatchalian ang panghihinayang sa bilang ng mga babaeng estudyante na nagda-drop out dahil sa teenage pregnancy.
Ipinapakita pa naman aniya ng datos na mas maganda ang academic performance ng mga babaeng estudyante kaysa sa mga lalaki.
Ipinahayag naman ni dating Education Secretary Leonor Briones na maituturing na national challenge ang patuloy na pagtaas ng teenage pregnancy kasama na ang problema sa sexual abuse.
Ayon kay Briones, kailangan ng holistic approach para masolusyunan ang problemang ito.
Iginiit naman ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda na dapat magtulungan ang mga ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Education (DepEd), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of Justice (DOJ) para maresolba ang mga kaso ng teenage pregnancy.
Sinabi ni Legarda na dapat pangunahan ng DepEd ang pagpapalawak ng pagtuturo ng sex education hindi lamang sa mga batang babae kundi maging sa mga lalaki upang malaman nila ang mga dapat at hindi dapat gawin at upang mapakinggan din ang mga estudyante. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion