Nilinaw ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Roy Trinidad na hindi paghahamon ng giyera sa ibang bansa ang pagpapalakas ng pwersa ng Pilipinas sa dulong hilaga ng bansa malapit sa Taiwan.
Paliwanag ni Commodore Trinidad, ang Mavulis Island na pinaka-hilagang isla ng Pilipinas, ay nasa Balintang Channel o Bashi Channel, na isang mahalagang international sea lane.
Mahalaga aniya na mapanatiling bukas at malaya ang daluyang ito para sa lahat ng bansa na dumadaan sa “nautical highway” ng Pilipinas.
Ayon kay Commodore Trinidad, ang direktiba ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro na dagdagan ang pwersa sa Mavulis Island, Batanes Group of Islands, ay bahagi lang ng pagpapalakas ng external defense posture ng bansa.
Giit pa ng opisyal, walang pakialam ang China kung ano man ang gawin ng Pilipinas para sa kanyang depensa.
Matatandaang umalma ang China sa pahayag ni Teodoro at binalaan ang Pilipinas na huwag “maglaro ng apoy” pagdating sa isyu sa Taiwan. | ulat ni Leo Sarne