Binigyang diin ni Senate Committee on Public Services Chairperson, Senadora Grace Poe na hindi nareresolba ng pinapatupad na rotational brownout ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang tunay na problema sa suplay ng kuryente sa Panay Island.
Kasabay ng pahayag na ito ay ang panawagan ng senadora sa NGCP na madaliin na ang pagtapos ng Cebu-Panay-Negros project at iba pang transmission projects.
Pinunto ni Poe na bagamat naiiwasan ng pinapatupad na rotational brownout ang domino effect ng plant tripping at pag-collapse ng grid ay mas kailangan ng proactive approach mula sa nag-iisang power transmission operator.
Ayon kay Poe, hangga’t may delay sa mga proyekto ay walang katiyakan ang suplay ng kuryente, hindi lang sa Panay, kundi maging sa buong Pilipinas.
Dagdag din aniyang dapat na tugunan ang kakulangan sa periodic maintenance ng mga power plants.
Nanawagan rin ang senadora sa Energy Regulatory Commission (ERC) na silipin ang limited visitational powers ng NGCP na siyang hadlang sa maayos na monitoring ng mga planta.
Binigyang diin rin ni Poe na dapat bigyan ang publiko ng partikular na timeline kung hanggang kailan itong krisis sa kuryenteng ito, lalo na ang mga taga-Panay. | ulat ni Nimfa Asuncion