Ikinatuwa ng Land Transportation Office (LTO) ang desisyon ng Parañaque City Prosecutor’s Office na kasuhan ang may ari ng colorum na sasakyan sa Parañaque City.
Sa inilabas na resolution, nakitaan ng Prosecutor’s Office na may sapat na basehan para madiin sa kaso ang may-ari ng van at ang kanyang driver dahil sa paggamit ng sasakyan bilang public utility vehicle (PUV).
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza II, kasong paglabag sa Commonwealth Act 146 na inamyenda ng Republic Act 11659 o Public Service Act ang inirekomendang isampa sa may-ari ng van na si Roberto Salvador at driver na si Rocky Cos.
Nag ugat ang pagsasampa ng kaso matapos mahuli sa operasyon ng LTO sa Roxas Boulevard ang colorum na van noong Oktubre 24,2023 dahil sa nagsasakay ng mga pasahero.
Kapag napatunayang nagkasala, ang dalawa ay mahahatulan ng anim hanggang 12 taong pagkakakulong at P2 milyong multa. | ulat ni Rey Ferrer