Inirekomenda na ng Department of Justice ang pagsasampa ng kasong kriminal sa may-ari ng M/T Princess Empress na lumubog sa karagatan ng Oriental Mindoro noong Pebrero 2023 na naging sanhi ng pagkasira ng karagatan dahil sa oil spill.
Ang rekomendasyon ng DOJ ay ibinatay sa kasong isinampa ng National Bureau of Investigation-Environmental Crime Division at ng alkalde ng Pola Oriental Mindoro na si Jennifer Cruz.
Ang may-ari ng naturang barko na RDC Reield Marines Services Inc., ang pangunahing respondent sa patung-patong na kasong kriminal kung saan kasama ang mga corporate officers, ilang empleyado, 19 na kawani ng Philippine Coast Guard at dalawang opisyal ng Maritime Industry Authority o MARINA.
Tiniyak ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla na ang mga respondent sa nasabing kaso ay mapapanagot at mabibigyan ng hustisya ang mga naapektuhan na residente sa Oriental Mindoro.
Ang paglubog ng M/T Princess Empress ay naglikha ng pagkasira ng kalikasan sa naturang lalawigan na naging dahilan para mawalan ng hanapbuhay ang mga mangingisda doon.
Maliban sa Oriental Mindoro, naapektuhan din ng oil spill ang Marinduque, Batangas, Occidental Mindoro, Palawan at Antique. | ulat ni Michael Rogas