Welcome para sa mga mambabatas ang naging pahayag ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte na bukas siya sa pag-amyenda ng Saligang Batas, basta’t ito ay nakatuon lang sa economic provisions.
Ayon kay Taguig-Pateros 2nd district Representative Pammy Zamora, marahil ay nalinawan na ang dating pangulo sa tunay na layunin ng economic charter change.
Aniya, simula pa lamang ay ito lang naman ang itinutulak na pagbabago ng Kamara nang unang inihain ang Resolution of Both Houses 6.
Umaasa naman si Deputy Speaker Jayjay Suarez, na gaya ng pagbabago ng isip ng dating pangulo ay makumbinsi na rin ang mga taga-suporta nito na magbago ng posisyon.
Punto pa nito, na para nga mawala ang agam-agam ay kinopya na lamang nila ang RBH 6 ng Senado sa inihain namang RBH 7 kamakailan sa Kamara na tinatalakay sa Committee of the Whole. | ulat ni Kathleen Forbes