Sisimulan na ng Senate Sub Committee on Constitutional Amendments ang pagtalakay sa panukalaang amyenda sa economic provision ng Saligang Batas.
Sa sesyon kagabi, pormal nang nabuo ang subcommittee na pamumunuan ni Senador Sonny Angara.
Base naman sa advisory mula sa opisina ni Senador Angara, nakatakda ang pagtalakay sa Resolution of Both Houses No. 6 o Economic Cha-Cha sa Lunes ng alas-10 ng umaga.
Ayon kay Angara, pagtutuunan nila ng pansin sa pagdinig ang nilalaman ng resolusyon na inihain nila Senate President Juan Miguel Zubiri at Senate President Pro Tempore Loren Legarda.
Tiniyak rin ng senador na walang magiging diskusyon ng political amendments sa kanilang magiging pagdinig. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion