Sinisimulan nang talakayin ng Senate Subcommittee on Constitutional Amendments, sa pangunguna ni Senador Sonny Angara ang Resolution of Both Houses no. 6 o ang panukalang amyenda sa economic provision ng Saligang Batas.
Ayon kay Senador Angara na siyang namumuno sa pagdinig, hindi pa nila tiyak kung ilan ang magiging pagdinig para sa RBH No. 6 at kung matatapos ito bago ang Holy Week break.
Wala naman aniyang sinabing deadline sa kanya si Senate President Juan Miguel Zubiri para tapusin ang pagdinig sa economic chacha.
Sa pagdinig ngayong araw, kabilang sa mga imbidato at dumalo ang ilang 1987 Constitution framers na sina dating Chief Justice Hilario Davide Jr., Atty. Christian Monsod, at dating Justice Adolfo Azcuna.
Gayundin ang ilang legal at economic experts ng bansa.
Sinabi ni Angara, na bawat sektor ay bibigyan nila ng pagkakataon na madinig sa pagdinig ng economic chacha.
Sa mga susunod na pagdinig ay inaasahang madidinig naman ang komento ng sektor tulad ng public utilities, education, at advertising tungkol sa RBH No. 6. | ulat ni Nimfa Asuncion