Naniniwala si 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez na hindi dapat maging hadlang sa pagtalakay ng economic charter chang, ang posibilidad na ito ay makuwestiyon oras na mapagtibay o maaprubahan.
Tugon ito ng mambabatas sa tanong kung ano ang implikasyon sa pahayag ni dating Chief Justice Reynato Puno, na ang paglalagay ng katagang ‘unless otherwise provided for by law’ ay posibleng mauwi sa constitutional challenge.
Maliban pa ito sa ‘inadvertence’ sa probisyon patungkol sa kung ang botohang gagawin ng Kongreso dito ay jointly o separately.
Punto ni Gutierrez, ang mismong pagtalakay sa charter change ay maaaring kuwestyunin sa Korte Suprema kapag dumating ang panahon na ito ay maaprubahan.
Sabi pa ng mambabatas, kung talagang nais natin na maamyendahan ang Saligang Batas ay ituloy ang patalakay dito, at saka harapin ang constitutional challenge.
Maliban dito, ang lahat ng panukalang amyenda ay dedesisyunan pa rin aniya ng publiko sa isang plebesito.
“I would say there’s no other way but to risk it. Kasi po, any method that we take for constitutional change, for charter change is actually subject to a constitutional challenge…So we have no choice. If we want charter change, we must face that challenge. And as always, we will leave it to the Supreme Court, who has proper jurisdiction on this, and we trust in their good judgment that they would see. And most importantly, I think, despite any constitutional challenge, at the end of the day, uuwi pa rin po ito sa plebisito. At the end of the day, it is the will of the people, the sovereign.” sabi ni Gutierrez
Dagdag pa ng mambabatas, na ito ang kagandahan ng pag-imbita sa mga resource person.
Nagagabayan kasi aniya sila sa mga posibleng hamong kakaharapin sa panukalang economic charter change, at sa kung paano ito mapagbubuti upang maiwasan ang pag-kuwestiyon dito. | ulat ni Kathleen Forbes