Planong paimbestigahan ni 4Ps party-list Rep. Jonathan Abalos ang nangyaring pagtapyas sa budget ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Abalos na dapat ipaliwanag sa mga benepisyaryo ng 4Ps ang dahilan ng pagtapyas sa kanilang pondo.
Marami kasi aniya ang naapektuhan nang tanggalan ng P13 bilyon ang nasabing programa.
Ilan sa miyembro nito ang natanggal sa listahan na nagresulta naman sa pagkaantala ng pag-aaral ng ilang pa-graduate na sanang mga estudyante.
Paliwanag ni Abalos, sa nangyaring pagbawas ng pondo ay dehado ang mga ‘poorest of the poor’ kaya kailangan aniya na malaman ng mga ito ang naging sanhi ng naturang budget cut.
Kasabay naman nito ay tiniyak din ni Abalos sa 4Ps beneficiaries na kakampi ng mga ito ang Kamara sa nasabing laban. | ulat ni Lorenz Tanjoco