Balak ni Senate President Juan Miguel Zubiri na maghain ng isang panukalang batas na layong makapagpatayo ng health facilities sa mga pangunahing tourist destination sa Pilipinas.
Sa sesyon kahapon, ibinahagi ni Zubiri na naisip niya ang panukalang ito matapos makausap ang ilang miyembro ng Consular Corp nitong weekend, at pinunto ng ilang mga miyembro nito ang kakulangan ng health facilities sa tourist areas gaya ng Palawan.
Giit ng senate president, paano tayong makakaengganyo ng mga turista na bisitahin ang mga beach at dive spots sa bansa kung wala namang mga pasilidad sa mga lugar na iyon, na maaaring makatugon kapag may nangyaring aksidente.
Sa inisyal na panukala ni Zubiri, maaari aniyang iprayoridad ang pagpapatayo ng health facilites sa ilang major toursit spot ngayon ng bansa gaya ng Palawan, Siargao at Boracay.
Idinagdag rin ng senador, na maaaring tawaging Tourist Hospital Program ang panukala kung saan ang provincial hospitals sa major tourist areas ay maaaring i-rationalize bilang regional hospital, para ang Department of Health (DOH) ang mangangasiwa dito imbes na ang mga lokal na pamahalaan.
Maaari aniyang lagyan ng mga state-of-the-art na kagamitan ang mga tourist hospital, at hindi lang ito papakinabangan ng mga lokal at dayuhang turista, kung hindi maging ng mga lokal na residente sa lugar. | ulat ni Nimfa Asuncion