Iminungkahi ni Senador Robin Padilla na amyendahan ang panukalang Philippine Maritime Zones Act para maisama sa depinisyon ng baselines ng Pilipinas ang Sabah.
Ayon kay Padilla, ito ay sang-ayon sa Republic Act (RA) 5446 na nagsasaad na ang Sabah ay itinuturing na teritoryo na may dominion at sovereignty ang Pilipinas.
Sa naging plenary deliberation para sa Philippine Maritime Zones bill, binigyang diin ni Padilla na kailangan ring partikular na tukuyin ang baselines natin sa Sabah para mailaban natin ito.
Dapat aniyang katulad ng pagpupursige nating mailaban ang West Philippine Sea sa pagtatanggol ng ating bansa sa Sabah.
Giniit ni Padilla, na hindi naman ito nangangahulugan na naghahanap tayo ng gulo pero mahalagang maigiit naman aniya ang karapatan natin sa naturang teritoryo.
Sinang-ayunan naman ni Senate Committee on Maritime and Admiralty Zones Chairperson Senador Francis Tolentino, na sponsor ng panukala ang naturang suhestiyon. | ulat ni Nimfa Asuncion