Muling binuhay ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st district Rep. Janette Garin ang mungkahi na makipag-ugnayan ang Philhealth sa mga pribadong health providers upang mapagbuti pa ang serbisyo.
Sa press briefing ngayong araw, sinabi ni Garin na noong siya ay health secretary pa ay itinulak na niya na i-outsource ng Philhealth ang serbisyo nito sa Luzon, Visayas at Mindanao mula sa private health providers.
Mananatili naman sa Philhealth ang pamamahala at pagtiyak sa implementasyon ng serbisyo
Inaprubahan at pinondohan na aniya ito ng board ngunit hindi naipatupad nang magpalit ng administrasyon noong 2016.
Maliban sa service, mungkahi rin ng dating health secretary na i-outsource ang legal department and Information Technology (IT) department ng Philhealth.
Kailangan din aniya na ayusin ng Philhealth ang coverage package nito.
Maiging alisin ang ibang hindi importanteng treatment at isama ang malulubhang karamdaman gaya ng cancer, kidney failure, at coronary artery bypass surgery para mabawasan ang gastos ng mga pasyente.
Katunayan noon aniyang kanyang panahon ay pinatanggal ang warts removal package sa sinasagot ng Philhealth.
“Ang layunin ng PhilHealth ay maibsan ang gastusin ng mga nagkakasakit, but the way things are going napakaliit ng kanilang naitutulong. It’s a health insurance institution that should cushion the impact of an illness,” ani Garin. | ulat ni Kathleen Forbes