Nakikipagtulungan na ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa mga Telecommunication companies (Telcos) sa bansa, upang tugunan ang napaulat na bentahan ng pre-registered SIM cards.
Pahayag ito ni DICT Secretary John Ivan Uy, kasunod ng pahayag ng Philippine National Police (PNP) na mayroon silang ikinakasang operasyon laban dito.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ng kalihim na base sa natanggap nilang inisyal na impormasyon, ang mga ibinibentang SIM Cards ay nakarehistro sa lehitimong pangalan.
“So, minsan kapag nahuli natin at nakita natin at hinahanap natin, some of them come from our Kababayan’s na medyo not well-off and they just want to make a quick buck out of it. So, we are trying to formulate ways with the Telcos on how we can address this concern.” -Secretary Uy
Karamihan rin aniya sa mga na-profile nila na nagbi-benta ng SIM card ay mga mahihirap na hindi alintana ang posibleng panganib ng pagbibenta ng SIM na registered sa ilalim ng kanilang pangalan.
“Ang nangyari, many of the pre-registered SIM cards are actually registered under legitimate names, ngunit ang ginagawa is binebenta nga iyong SIM card, dahil magkano ba ang SIM card ngayon, mura lang P30. Irerehistro nila sa pangalan nila, tapos ibebenta nila ng P500, easy money for them, hindi nila naisip iyong consequence sa kanila.” -Secretary Uy
Binigyang-diin ng kalihim na gagawa sila ng paraan upang matuldukan ang modus na ito. | ulat Racquel Bayan