Tiniyak ng pamahalaan na hindi magugutom ang mga sundalong nagbabantay at sakay ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Sa isang punong balitaan sa Department of Foreign Affairs, sinabi ni National Security Council Assistant Director Jonathan Malaya na tuloy-tuloy lang ang rotation at resupply o RoRe misson ng pamahalaan para ibigay ang mga pangangailangan ng mga sundalo at para sa maintenance ng BRP Sierra Madre.
Iginiit ni Malaya na walang anumang pressure mula sa China ang makakapigil para rito.
Binigyang diin pa ni Malaya na hindi kailangan na magpaabiso sa China para sa gagawing RoRe mission dahil ito ay bahagi aniya ng sovereign rights ng Pilipinas.
Makakaasa aniya ang mga sundalo na nasa BRP Sierra Madre na gagawin ng pamahalaan ang lahat ng paraan para maihatid ang kanilang mga suplay. | ulat ni AJ Ignacio