Wala pang naitatalang outbreak ng anumang sakit ang pamahalaan, na mayroong kinalaman sa El Niño.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Task Force El Niño Spokesperson Joey Villarama na kabilang sa mga posibleng epekto ng tag-tuyot ang pag-usbong ng water borne diseases, dahil sa kakulangan ng malinis na inuming tubig.
Kabilang sa mga iniiwasan ng pamahalaan ay ang pagkakaroon ng outbreak ng cholera, typhoid, at iba pa.
Kabilang rin sa mga binabatayan ay ang vector borne diseases tulad ng dengue, chikungunya, at iba pang sakit na dala ng mga lamok.
Gayunrin ang heat stroke, dahil sa patuloy na pagtaas ng temperatura.
Paalala ng opisyal, ugaliin ang pag-inom ng tubig, at pagsilong sa lilim.
“Iyon po ang gusto nating ipaalala rin sa ating mga kababayan lalo na’t may pre-existing conditions kayo… Mas prone po sila sa heat stroke. So kung nakakaranas po tayo ng pananakit ng ulo, parang iyong kakaiba o iyong irregular na pagpapawis, nagkakaroon po tayo ng rashes or flushed skin, mabuti pong magkonsulta na po tayo sa doktor. At kung wala naman po tayong nararanasang ganoong sintomas pero po napi-feel natin na umiinit na iyong ating katawan, pinakamabuti pong lumilim tayo at magpunas-punas po tayo sa batok, sa leeg, sa kili-kili para po maibsan po iyong init ng katawan.” —Asec Villarama.| ulat ni Racquel Bayan