Sugatan ang isang rider at ilang pasahero matapos mahagip ng isang jeepney ang isang motorsiklo sa intersection ng Quezon Avenue sa bahagi ng Scout Albano, Quezon City pasado alas-6 ng umaga.
Ang nakabanggang jeep, sumampa pa sa gutter at nabangga ang isang nakaparadang SUV pati ang katabi nitong L300.
Ayon sa enforcer sa site, pilit pa ring dumiretso ang jeep kahit na nakasenyas na ito ng hinto sa intersection.
Depensa naman ng jeepney driver, hindi nito namalayan ang enforcer. Nagulat na lamang umano din siya at pilit na lang iniwasan ang motor.
Mabilis namang nakaresponde ang mga enforcer at naialis agad sa intersection ang nabuwal na motorsiklo kaya hindi rin ito nagdulot ng pagbigat ng trapiko sa bahagi ng Quezon Avenue. | ulat ni Merry Ann Bastasa