Inanunsyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na may basbas na mula kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang 5 porsyentong umento sa premium hike para sa mga miyembro nito.
Sa pulong balitaan sa Pasig City ngayong araw, sinabi ni PhilHealth President at CEO Emmanuel Ledesma na matapos nilang ilatag sa Pangulo ang kanilang hakbang, wala itong naging pagtutol.
Nakasaad aniya ito sa liham na kanilang natanggap mula kay Executive Secretary Lucas Bersamin.
Ipinaliwanag pa ni Ledesma na bukod sa nakasalig sa batas ang umento sa kontribusyon, pinag-aralang maigi ng Pangulo kung dapat ba o hindi na suspindihin ang naturang panukala.
Kaya naman lumabas na sa pamamagitan ng mataas na premium contribution, papasok ang mas maraming pera sa PhilHealth na magagamit para sa pagbibigay ng serbisyo.
Nabatid na mismong si Health Sec. Teodoro Herbosa ang nanguna sa panawagang suspindehin ang 5 porsyentong umento sa premium contribution sa PhilHealth bunsod na rin ng sitwasyong pang-ekonomiya ng bansa.
Naniniwala kasi ang Kalihim na may sapat na pondo ang state health insurer para magbigay ng magandang benepisyo nang hindi nagtataas ng kontribusyon.
Pero sa panig ng PhilHealth, sinabi ni Ledesma na kanilang iginagalang ang opinyon ni Herbosa hinggil sa usapin. | ulat ni Jaymark Dagala