Iginiit ni Senate President Juan Miguel Zubiri na klaro ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa naging pakikipagpulong nito sa mga senador, na nais nitong magkahiwalay na bumoto ang dalawang kapulungan ng Kongreso tungkol sa panukalang amyenda sa economic provision ng konstitusyon.
Ayon kay Zubiri, alam naman ni Pangulong Marcos na dapat independent na bumoto ang Senado at Kamara tungkol sa economic chacha.
Dahil una nang sinabi ng punong ehekutibo na ang senado ang dapat na manguna sa economic chacha, ibinahagi rin ni Zubiri ang sinabi ni Pangulong Marcos na nais nitong i-adopt ng Kamara ang mabubuong bersyon ng Senado.
Nilinaw rin aniya ng Pangulo, na dapat limitado lang sa economic provision ang gagawing amyenda sa konstitusyon dahil ayaw nito ng gulo at kontrobersiya.| ulat ni Nimfa Asuncion