Ibinahagi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na pinahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga senador ang pagnanais nitong maisabay sa 2025 midterm elections ang plebesito para sa economic chacha.
Ito ay sa naging private meeting ng mga senador kasama si Pangulong Marcos sa Malacañang, kahapon.
Paliwanag ni Zubiri, kung gagawin kasi aniya ang plebesito bago ang eleksyon ay aabot sa P12 hanggang P14 billion ang magagastos ng gobyerno.
Dahil dito, walang nakikitang dahilan ang Senate President na madaliin ang proseso ng pagtalakay sa panukalang economic chacha o ang Resolution of Both Houses no. 6 ng Senado.
Pinapaaral na rin aniya ng punong ehekutibo, kung paanong makukumbinsi ang Commmision on Elections na maglagay ng rider question kaugnay ng isinusulong na economic chacha sa likod ng 2025 ballot. | ulat ni Nimfa Asuncion