Pinamamadali ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagtatapos ng lahat ng water projects sa buong bansa.
Binigyang diin ito ng Chief Executive sa kanyang naging mensahe sa isinagawang pagbubukas ng Davao City Bulk Water Supply Project kung saan ay binanggit nito ang pangangailangang matugunan ang ang ‘water security’.
Ayon sa Pangulo, iba na ang laban sa hinaharap na water scarcity o kakulangan sa tubig at hindi na aniya ito seasonal challenge na maituturing.
Pangmatagalang banta na aniya ang hamon ngayon kung pag-uusapan ay suplay ng tubig dahil nakakabit na dito ang climate change.
Nandiyan din, dagdag ng Pangulo, ang banta ng El Niño na nakakaapekto sa kalidad ng pamumuhay at economic activity.
Kaya direktiba ng Pangulo sa mga kinauukulang ahensya, paspasan ang iba’t ibang water supply projects sa bansa sa harap ng nakaambang na banta sa suplay ng tubig. | ulat ni Alvin Baltazar