Binigyang-diin ni First Lady Louise Araneta-Marcos na walang puwang ang paninira, salitang napakasakit, at pambabatikos sa itinataguyod na Bagong Pilipinas ng Marcos administration.
Sa kanyang talumpati sa paglulunsad ng medical laboratory services program sa La Union, sinabi ng Unang Ginang na sa halip na away-away, paninira, at batikos, diwa aniya ng pagtutulungan ang pilit na isinusulong sa ilalim ng Bagong Pilipinas.
Ito lalo na, ayon sa First Lady, ang pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan at ng pribadong sektor na aniya’y partner ng gobyerno alang-alang sa mamamayan.
Iginiit ng Unang Ginang na kapag nadinig ang katagang Bagong Pilipinas, ibig sabihin nito ang pagsasanib puwersa ng public at private sector na ang layunin ay makatulong sa taongbayan.
Sa dami aniya ng problemang kinakaharap ng bansa ay hindi kakayaning mag-isa ng pamahalaan ayon sa Unang Ginang na harapin ito at ang kailangan ay magtulong-tulong kaya’t hindi dapat bigyang puwang ang siraan at batikos sa Bagong Pilipinas. | ulat ni Alvin Baltazar