Inihain ni Benguet Rep. Eric Yap ang House Bill 9889, o panukala na bigyang-kapangyarihan ang Department of Agriculture o DA na magpatakda ng “farm gate prices” para sa mga “highly perishable” na gulay.
Tinukoy ni Yap na ngayong Enero ay napaulat na libo-libong repolyo ang ibinebenta sa mga kalsada ng Benguet sa halagang tatlong piso hanggang labing limang piso kada kilo.
Ayon sa mambabatas, palagian na itong problema sa lalawigan dahil sa usapin ng “oversupply” at smuggling.
At dahil sa mababang farm gate price ng mga gulay, napapatay ang kabuhayan ng maraming magsasaka.
Ang farm gate price ay ang halaga na maibebenta ng mga magsasaka ang kanilang produkto sa lokasyon ng anihan o taniman o “first point of sale.”
Sakaling maisabatas, bibigyang kapangyarihan ang DA na magtakda ng farm gate price sa mga gulay gaya ng repolyo, broccoli at cauliflower, carrots, sayote, lettuce at iba pa.
Pinabubuo rin ng mambabatas ang isang Standard Farm Gate Price Index na siyang magrerepaso sa farm gate price, base sa sitwasyon, market conditions at iba pang economic indicators. | ulat ni Kathleen Forbes