Inaprubahan ng House Committees on Dangerous Drugs and Health ang report ng technical working group na nagplantsa sa halos sampung panukala na nagsusulong para pahintulutan ang paggamit ng medical cannabis.
Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, chair ng Komite, hindi layon ng panukala na ito ang pag-alis sa marijuana sa mga ipinagbabawal na gamot salig sa RA 9165.
Pagbibigay diin ng mambabatas tanging pharmaceutical form lamang ng medical cannabis ang papayagang magamit para sa mga pasyente na may debilitating disease o malubhang sakit na tutukuyin ng mga rehistradong physicians.
Kasama rin sa probisyon ang pagpapahintulot sa mga non-debilitating disease gaya ng anxiety at severe insomnia.
Nakapaloob sa panukala ang pagbuo ng Medical Cannabis Office sa ilalim ng DOH na syang magre-regulate sa issuance, permit at registration ng mga physician o doktor na papahintulutang mag-administer ng medical cannabais, katuwang ang Dangerous Drugs Board.
Paliwanag naman ni Barbers na hindi lahat ng doktor ay mabibigyan ng pagkakataon na mag-administer ng medical cannabis dahil may mahigpit na regulasyon para sila ay ma-accredit, kabilang na dito ang pagkakaroon ng S2 licence.
Ang mga lalabag dito ay ipinapanukalang patawan ng P500,000 hanggang P1 million na multa at pagkakakulong ng anim na buwan hanggang anim na taon.
Para naman sa physician na masasangkot dito, maliban sa multa at kulong ay babawian ng lisensya.| ulat ni Kathleen Forbes