Nais matiyak ni Senador Sherwin Gatchalian na makakahikayat ng foreign direct investments sa Pilipinas ang pagluluwag ng constitutional restrictions sa sektor ng higher education.
Sa naging pagdinig ng Senate Subcommittee on Constitutional Amendments, iginiit ni Gatchalian sa pagsusulong ng Resolution of Both Houses no. 6 (Economic cha-cha) layong magamit ang sektor ng edukasyon para mapasigla ang ekonomiya ng bansa.
Ayon sa senador, may dalawang school of thought sa amyenda sa economic provision, partikular sa education sector.
Una, aniya, ay ang makaakit ng foreign direct investments o hard investments para sa bansa.
Ikalawa ang makahikayat ng mga dayuhang institusyon na may matatag na kapasidad para sa research at iba pang larangan sa higher education para kalaunan ay maging mekanismo sa pag-develop ng human capital ng Pilipinas.
Sinabi naman ni Center for Integrated STEM Education President Gonzalo Cerafica na dapat idirekta sa mga partikular na sector, gaya ng health at research, ang pagbubukas ng edukasyon sa mga dayuhan. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion