Nakatakda nang pagdebatehan sa plenaryo ng Senado ang panukalang dagdag na P100 na daily minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa buong Pilipinas.
Ito ay matapos ipresinta ni Senate Committee on Labor Chairperson Senador Jinggoy Estrada ang Senate Bill 2534.
Ipinaliwanag ni Estrada, na mula sa orihinal na panukalang dagdag P150 sa arawang-sahod ay binaba ng kanyang komite ang rekomendasyon sa P100 dahil lahat naman aniya ng regional wage boards ay nag-utos nang taasan ang daily minimum wage sa kani-kanilang lugar.
Ayon sa senador, kinakailangang i-adjust ang sweldo ng manggagawa para kahit papaano ay maipantay ang kinikita nila sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Bukod dito, ang dagdag aniyang purchasing power o kakayahang bumili ng mga manggagawa ay makakaambag sa economic activity at sa pagsigla ng ating ekonomiya.
Tinatayang nasa 4.2 milyong mga manggagawa sa buong bansa ang makikinabang sa panukalang ito. | ulat ni Nimfa Asuncion