Isinusulong ng mga senador na mapatawan ng mabigat na parusa ang mga nasasangkot sa game fixing.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Sports ngayong araw, prinesenta ang ilang mga insidente at video na nagpapakita ng obvious na game fixing sa ilang mga liga.
Isang halimbawa ang sa Vismis Super Cup, kung saan isang player ang sinadya umanong imintis ang kanyang lay up habang may isang koponan naman na sinadyang huwag ipasok ang free throw.
Binigyang diin ni Senate Committee on Sports Chairman Senador Christopher ‘Bong’ Go, ang ganitong game fixing ay nakakapag wala ng thrill at integridad ng mga sporting event.
Pinunto ng senador na base sa 2022 report ng sports radar, na isang sports integrity firm, ang Pilipinas ay nakapagtatala ng 37 na laro na kahina-hinala at lumalabas na pangalawa na ang ating bansa, kasunod ng China, pagdating sa may kahina-hinalang mga laro.
Giniit naman ni Senador Jinggoy Estrada na tila nagiging pera-pera na lang ang labanan at hindi na ang tagisan ng galing ng mga koponan.
Kaya naman sa tinalakay na panukala ay pinag-aaralan na patawan ng multang aabot sa P50 million ang game fixing.
Pinapanukala ring makulong ng habang buhay ang mapapatunayang miyembro ng sindikato ng game fixing at diskwalipikasyon sa nilalarong sport.
Sa ngayon ay nasa P1,000 hanggang P10,000 lang ang multa kaya naman tila hindi natatakot ang mga gumagawa nito.| ulat ni Nimfa Asuncion