Ipinaliwanag ni Senate President Juan Miguel Zubiri na ang pag-adjust nila sa P100 ng panukalang legislated wage hike ang nakita nilang middle ground na makakatulong sa mga manggagawa.
Matatandaang sa orihinal na panukalang inihain ni Zubiri, P150 ang isinusulong na maidagdag sa sweldo ng mga manggagawa ng pribadong sektor sa buong Pilipinas.
Pero ayon kay Zubiri, matapos magkusang magpatupad ng P30 to P50 wage increase ang iba’t ibang wage boards sa bansa ay sang-ayon sila sa rekomendasyon ng Senate Committee on Labor na gawin na lang P100 ang legislated wage increase.
Pinunto ni Zubiri, na ito rin ang naisip nilang rate na kakayanin pa ring ibigay ng mga negosyante lalo na ng micro, small and medium enterprises (MSMEs).
Kasabay naman nito ay umapela ang Senate leader sa mga negosyante na gawin pang mas competitive ang pasahod dito sa Pilipinas kumpara sa mga kapitbahay natin sa ASEAN. | ulat ni Nimfa Asuncion