Nalalapit nang matalakay sa plenaryo ng Senado ang panukalang nagsusulong na isa-ligal ang medical marijuana.
Ito ay matapos makuha ng suporta at pirmahan ng 13 mga senador ang report ng Senate Committee on Health para sa Senate Bill 2573.
Kabilang sa mga senador na pumirma sa naturang Committee Report ay ang principal author ng Medical Cannabis Bill na si Senador Robin Padilla; Committee on Health Chairperson Senador Christopher ‘Bong’ Go, Majority Leader Joel Villanueva, Minority Leader Koko Pimentel, Senador Sonny Angara, Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, Senador JV Ejercito, Senador Jinggoy Estrada, Senador Mark Villar, Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., Senador Raffy Tulfo, Senador Lito Lapid, at Senador Grace Poe.
Nagpahayag sina Poe, Villanueva, Pimentel, at Estrada na mag-iinterpellate sa panukala habang sina Go, Villar, at Revilla naman ay nagpahayag ng reservation sa panukala.
Sa ilalim nito, papayagan ang paggamit ng cannabis o marijuana bilang lunas sa pasyenteng may debilitating medical condition o mga nanghihinang pasyente.
Kabilang sa saklaw ng panukala ang pagbili, pagmamay-ari, pagbyahe, pagtatanim, at paggamit nito bilang gamot at para sa research.
Itinatakda rin sa panukala na dapat nakarehistro ang mga magtatanim ng marijuana sa kontroladong pasilidad.
Ang bibigyan ng medical cannabis ay mga pasyente lang na magrerehistro sa Philipine Medical Cannabis Authority na itatatag sa ilalim ng Department of Health (DOH) na pamumunuan ng direktor na itatalaga ng Pangulo.
Ang mga doktor naman na maaring magreseta nito ay dapat may special license at training mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), walang criminal at administrative case, at bawal magreseta sa sarili at kamag anak. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion