Binigyang-diin ni Senator Ronald Bato dela Rosa ang pangangailangang makabuo ang Philippine National Pollice (PNP) ng DNA database.
Sa kanyang sponsorship speech sa Senate Bill No. 2474 o ang PNP Forensic DNA Database Act, sinabi ni Dela Rosa na unang nadiskubre ang DNA ng isang Swiss chemist noong 1860 at unang ginamit sa United States upang maresolba ang ilang krimen noong 1986.
Ipinaliwanag ni dela Rosa, na ang DNA testing ay ang most powerful tool para sa human identification.
Sa panig naman ni Senador Ramon Bong Revilla Jr. iginiit nito na ang DNA ang nagsisilbing huling bahagi ng puzzle sa pagresolba sa krimen.
Sinabi ni Revilla, na ang DNA ay isang no-nonsense’ instrument sa pagbibigay solusyon sa mga krimen dahil walang sinuman ang magkapareho ang DNA.
Sa ilalim ng Senate Bill 2474, ang mga required na magbigay ng biological samples ay ang mga:
- nahatulan ng final judgement para sa anumang paglabag sa criminal law
- mga may pending criminal case sa anumang korte
- mga indibidwal na legal na nakakulong
- mga indibidwal na inatasan ng judicial o quasi-judicial order na magsumite ng DNA para sa isang pending case
- mga aktibong miyembro ng law enforcement agencies
- aktibong miyembro ng Armed Forces of the Philippines
Lahat naman ng biological sample na makokolekta ay minamandatong sirain nang hindi hihigit ng anim na buwan matapos ma-generate ang DNA profile.
Ang PNP Forensic Group – DNA Laboratory Division ang mangangasiwa sa database.
May probisyon rin sa panukala na magpaparusa sa sinumang mapapatunayang magta-tamper ng DNA records, kahit ang pagtatangkang magbago ng DNA samples, hindi tamang pagsisiwalat ng DNA samples at pagtanggi na magbigay ng sample. | ulat ni Nimfa Asuncion