Sa botong 23 na senador ang pabor, walang tumutol at walang nag-abstain, pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang Senate Bill 2492 o ang panukalang Philippine Maritime Zones Act.
Sa ilalim ng naturang panukala ay layong ideklara ang karapatan at entitlement ng Pilipinas sa mga maritime zones natin, kabilang ang mga underwater features ng mga karagatang sakop ng Pilipinas.
Isinusulong ni Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones Chairman Senador Francis Tolentino ang panukala bilang pagsunod ng Pilipinas sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Ayon rin kay Tolentino, mapapalakas ng panukalang ito ang claim ng pilipinas sa mga pinag-aagawang teritoryo, hindi lang sa West Philippine Sea, kundi kasama na rin ang claim ng Pilipinas sa Sabah. | ulat ni Nimfa Asuncion