Pinagtibay ngayon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang isang resolusyon na nag-aamiyenda sa kanilang panuntunan sa pagpopondo.
Ito’y para sa pagkukumpuni, muling pagtatayo, gayundin ng rehabilitasyon ng mga napinsalang imprastraktura sa mga lugar na matinding sinalanta ng kalamidad.
Binigyang-diin ito ni NDRRMC Chair and Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa isinagawang Emergency Full Council Meeting kahapon, at tinalakay din ang pagpapalawak ng access ng mga LGU sa pondo ng Konseho.
Dito, ipinawalang bisa na ang guidelines sa ilalim ng NDRRMC Memorandum Circular No. 1 series of 2024 kung saan, ang mga 4th hanggang 6th Income Class LGUs lamang ang gagawing prayoridad sa pondo habang hati naman sa mga 1st hanggang 3rd Income Class LGUs
Sinabi din ng NDRRMC na nauunawaan nila ang kalagayan ng mga LGU sa pondo lalo’t kinakapos din ito kaya’t tiniyak nila na bawat LGU, depende sa kanilang estado ay maaari nang makakuha ng pondo para tugunan ng mga ito ang pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan. | ulat ni Jaymark Dagala