Ikinatuwa ni Senior Citizen Party-list Representative Rodolfo Ordanes ang ginawang paglilinaw ng Food and Drug Administration (FDA) sa pagkuha ng diskwento ng mga senior citizen sa pagbili ng gamot.
Kabilang dito ang pagkakasama ng mga vitamins at supplement sa maaaring patawan ng 20% discount privilege.
Malaking bagay din aniya na nilinaw ng FDA na ang mga over the counter medicines ay maaaring bilhin at maisama sa diskwento nang wala nang reseta mga doktor.
Ayon kay Ordanes kasama ang mga bagay na ito sa isinusulong nilang amyenda sa Expanded Senior Citizen benefits.
“Magandang balita yan at yan ay kasama sa aming mga gagawing amendment after our investigation on senior citizens discount is finished,” saad ni Ordanes sa text message sa Radyo Pilipinas.
Kasalukuyang tinatalakay ng House Joint Committee on Special Privileges ang panukala na gumawa ng komprehensibong batas na maglalatag sa mga benepisyo at pribilehiyo ng mga nakatatanda, may kapansanan, solo parents, at iba pang sektor. | ulat ni Kathleen Jean Forbes