Kinilala ni OFW party-list Rep. Marissa Magsino ang makasaysayang pag-ratipika ng Pilipinas sa ILO Convention 190.
Sa pagsumite ng instrument of ratification noong Pebrero a-20, ang Pilipinas ang ika-38 bansa na nagratipika sa naturang kasunduan laban sa karahasan at harassment sa lugar ng trabaho, at kauna-unahang bansa sa Asya.
Ani Magsino, isa itong malaking tulong sa proteksyon ng lahat ng mga manggagawa, lalo na ang mga OFW.
Nakalatag sa ILO C190 ang pandaigdigang panuntunan sa tuluyang pagpigil sa workplace violence at harrassment mapa pampubliko o pribadong organisasyon.
Noong 2023 nang ipadala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ILO C190 sa Kongreso para sa concurrence o pagpapatibay.
Ani Magsino, ang hakbang na ito ng Presidente ay pagpapakita ng commitment ng adminsitrasyon sa pagprotekta ng karapatan ng mga migrant workers na patuloy pa ring nakararanas ng mga pang-aabuso, diskriminasyon at harrasment.
Umaasa naman si Magsino na tatalima ang mga lumagdang partido sa nilalaman ng ILO C190 gayundin ang pagbabantay ng ating pamahalaan na tatalima ang mga bansang lumagda, lalo na kung saan mayroong mga OFW na nagta-trabaho.| ulat ni Kathleen Forbes