Panahon nang itatag ang Department of Water Resources Management sa gitna nang nakaambang epekto ng El Niño phenomenon sa bansa ayon kay Agri Partylist Rep. Wilbert Lee.
Ito ang pahayag ng mambabatas kasunod nang naging atas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong araw sa mga ahensya ng gobyerno na may kinalaman sa tubig at agrikultura na madaliin na ang pagkumpleto ng mga water related projects.
Sa panayam kay Lee, sinabi nitong kung pagiisahin na lang ang mga concerned government agencies, magiging maagap ang pagtugon sa pangangailangan ng tubig bilang long term solusyon.
Sa ngayon aniya, patuloy ang ginagawa nilang monitoring sa mga irigasyon sa bansa, at dam upang masiguro ang kasapatan ng tubig.
Umaasa ang partylist solon na sa pamamagitan ng tinaas na budget ng National Irrigation Administration ay maiaayos ang irrigasyon para sa agrikultura.
Samantala, isinusulong din ng lawmaker ang pagpapalit ng kalendaryo ng pagtatanim upang maiayon ang planting season sa lagay ng weather ng bansa. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes