Higit pa sa pagpapaganda, magiging functional o gagana na ang on-going rehabilitation project ng Pasig River.
Ito’y ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Rizalino Acuzar, na tumatayo ding Chairman ng Inter-Agency Council for the Pasig River Urban Development.
Sinabi ni Acuzar, sa pamamagitan ng proyekto, palalakasin nito ang turismo at isulong ang transportation connectivity sa metropolis gaya ng naisip ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Unang Ginang Liza Araneta-Marcos.
Pinasinayaan na kamakailan ang unang phase ng proyekto kabilang ang showcase area at pedestrian walkway sa likuran ng Manila Central Post Office.
Mula nang buksan sa publiko ang showcase area, dinagsa na ito ng tao mula sa lahat ng antas ng pamumuhay at itinampok sa social at mainstream media.
Tinawag na Pasig Bigyang Buhay Muli (PBBM), layon ng proyekto na gawin ang Pasig River na sentro ng turismo at economic activity at matutugunan din nito ang traffic issues sa mga lungsod sa tabi ng ilog.
Ang proyekto ay nahahati sa siyam na seksyon na tumatawid sa ilang lungsod sa Metro Manila na nagsalubong sa ilog, mula Manila Bay hanggang Laguna de Bay.
Kapag nakumpleto na, maaaring maglakbay ang mga pedestrian at bikers sa buong 25-kilometrong kahabaan ng pathway na may tuluy-tuloy na connectivity.| ulat ni Rey Ferrer